MC CAN LAST
Ang nilalayon ko sa aking blog at FB posting “Maari bang magsama ang dalawang ina sa isang tahanan? Isang pagmuni-muni sa Mother’s Day” ay hindi lamang para mailarawan ang papel ng ina bilang ilaw ng tahanan, ninanais ko ring simulan ang talastasan at talakayan sa konsepto ng “good business sense”sa loob ng pagkataong Pilipino.
Ano nga ba ang “good business sense” sa Pilipino?
Matagal ko ng binubuno kung ano ang katumbas ng “business sense” sa mga wika sa ating bansa. Mayroon nga ba tayong salita para sa “common sense” at “sentido komon”? Wala akong maisip pero hindi sabihin wala tayong “common sense.” Marahil nasanay na tayo sa termino kahit Ingles at inangkin na rin sa ating bokabularyo. Nagkakaintindihan naman sa ibig sabihin o kahulugan nito.
Ang galing sa pagbibilang o pagkwenta ay isang katangian ng “good business sense.” Maraming palatandaan sa dunong sa arithmetic at matematika; natutukoy mo kung kulang, sapat o labis ang mga bagay-bagay, maari mong bawasan o dagdagan, maari mong ipaghiwa-hiwalay o ipagsama-sama, nabibilang kung kumokonti o dumarami.
Sa aking posting nasaktan ang loob ng aking ina sa aking ate sa pagbibilang niya ng mga groceries sa kusina. Sa mata ng aking ina, nagbago na ang aking ate o ang kanyang anak magmula ng siya ay tumira sa States; siya ay nagiging “makwenta” na. Ang salitang “makwenta”sa Kapampangan ay hindi kapuri-puri at kinonsider na hindi mabuting asal sa loob ng mag-anak at hindi ibang tao.
Maari rin naman ang isyu ay komunikasyon. Maaring may pahiwatig ang malakas na pagbibilang ng groceries; sa aking ate “magastos ang malakas kumonsumo ng pagkain, kailangan magtipid. Lahat sa Amerika ay may presyo at binibili.” Maari rin ito ang nakukuhang kahulugan ng aking ina sa pagiging “makwenta” ng kanyang anak. “Bakit pa kami dumayo at tumira sa bahay mo, kung nakakabigat lang pala kami sa iyo,” ang sinasaloob ng nanay ko, kasama na ang pagkakaroon ng pusong mammon.
Sa katunayan ang nanay ko kahit na hindi nakatapos ng grade school ay hindi matatalo sa “pagkwenta.” Dalaga pa lamang siya ay nagtitinda na sa palengke. Nuong bata pa kami mayroon kaming sari-sari store sa aming baryo at karinderiya.sa tabi ng isang kolehiyo sa San Fernando. Bilib ako sa talas ng pagkukwenta niya. Halimbawa, sa oras ng tanghalian, maraming kumakain sa karinderya, sari-sari ang mga pinipiling ulam, softdrinks, kanin at pangmatamis. Kapag magbabayad na lalapit lang sa nanay ko, at titignan lang ang lugal ng pinagkainan, masasabi na niya kung magkano ang halaga ng kanyang tinanghalian. Wala siyang gamit na lapis, calculator, adding machine, at cash register. Nasa ulo niya lahat, wala siyang ledger at listahan ng mga paninda. Kung sakaling gagamit siya ng papel at lapis, ito ay tuwing may magpapalista, ibig sabihin uutang ng kinain at magbabayad kung kailan may perang pambayad. Mabait ang aking nanay, pinapakain niya kahit walang pambayad.
Naitanong ko minsan kung bakit ang ilang suki namin ay kumain at hindi nagbabayad.kung minsan. Panatag ang loob ang nanay at sasabihin niya sa akin “higit pa sa kinain niya ang ibabalik sa atin.” Gayun nga kadalasan ang nangyayari, kaya’t mahal na mahal siya ng suki namin. Kapag mayroon kaming kamag-anak na bumisita, pakain ang bati at may pabaon pa kung minsan. Lumalago naman ang tindahan at karinderya, pero hindi ito lumalaki. Walang katapat sa kasipagan ng aking nanay at tatay. Kaming mga anak ay maaga ring nasangkot sa pagtitinda o pagbabantay ng tindahan.
May likas na “good business sense” ba ang nanay ko nuong bata pa kami? Marahil. Pero hindi umaangat ang aming buhay. Ang madalas na sinasabi ng aking nanay, ‘ ang kinikita natin sa tindahan at karinderya ay sapat lamang para tayo ay kumain ng tatlong beses sa isang araw at maipagpatuloy ninyo ang inyong pag-aaral.wala na akong hinahangad pa.”
Gayon din paliwanag ng akin ama, umaabot sa siyang second year sa kolehiyo at hindi natapos sa komersyo. Magsasakang “kasamak” (tenant farmer) ang lolo ko sa nanay, at walang nakatuntong sa hayskul sa kanilang anim na magkakapatid. Sa panig ng aking tatay, lima sa pitong magkakapatid ay nagtitinda sa palengke. “Ang ninanais naming sa inyong magkakapatid ay makatapos ng pag-aaral.” Kung may natapos kayo, madali kayong mamasukan, at gaganda ang inyong buhay.
Mamasukan. Ang likas ng “good business sense” ng aking mga magulang ay hidni para lumago ang negosyo kundi gawing puhunan sa edukasyon ng mga anak, ng sila ay makatapos ng kolehiyo at madaling mamasukan sa trabaho. Ang direksyong ng “good business sense” ay maging mahusay na empleyado o madaling mamasukan.
Ito kaya ang dahilan kung bakit ang ‘mindset” naming magkakapatid, at ganoon din ang maraming Pilipino, ay maging empleyado o mamasukan at hind maging entrepreneur o negosyante?
Naalala ko nuong nasa UP na ako at nasa US na si Ate Belle. Gusto niya ay matupad ang pangarap ng tatay at nanay. Engineering ang una kung kurso hindi lamang dahil magaling daw akosa math at sciences, kundi marami raw nagtatanggapan sa engineer graduate sa Amerika. Hindi ko pinabatid sa aking kapatid sa US hanggang sa mag-graduate ako nuong 1978 na hindi kursong engineering tinapos ko. Nagpa-sori ako at hindi natupad ang pangarap nila sa akin, pero sinabi ko na natanggap naman ako pagka-gradwayt sa UP Baguio para magturo sa kursong tinapos ko- history. Natutuwa naman siya sa “achievement” ko.
Hindi lamang ako nagpalit major sa kolehiyo, naging aktibista pa. Minsan sa isang pulong-pag-aaral sa kilusan na ginaganap sa bahay sa probinsya ng isang matalik na kaibigan at kasama, nilapitan ako ng kanyang ina. Nakipagkwentuhan at nagkaroon kami ng palagayan-loob dahil pareho kaming Kapampangan. Sumasang-ayon daw siya sa aming ginagawa bilang aktibista, sinasariwa pa niya nuong courier at nagsisilbi pa siya kay Luis Taruc. Nang matapos na ang pulong-pag-aaral at nagpaalam na kami, may hinabilin siya sa akin pabulong. “Hikayatin mo naman ang aking anak, ang iyong kaibigan, na magtapos sa kolehiyo. Pag-nag-graduate siya maligaya na kami kahit pagkatapos nuon ay mamundok pa siya okey na sa amin. Bilang magulang malaking bagay sa amin ang magtapos sa pag-aaral ang mga anak.”
Sa pagmumuni ko sa “good business sense” ay pagiging “makwenta” bagamat maaring magdulot ng samaan ng loob sa mga taong hindi ibang tao. Gayun din ang mahusay na pakikipagkapwa-tao at pakikipagpalagayan-loob sa ibang tao. Hindi ko lamang masundan ay ang tunguhin ng “good business sense” ay para makatapos para mamasukan, at least sa karanasan ng aking pamilya.
Ano nga ba ang “good business sense”? Abangan ang susunod na posting.