top of page

Malaking Gantimpala sa Tala Awards sa Parol Festival 2022

  • Nov 5, 2022
  • 3 min read

Malalaking gantimpala sa Tala Awards sa darating na Parol Festival 2022.


Isang magandang balita sa mga taga-SoMa Pilipinas at taga-San Francisco Bay Area.

Muling binabalik ang mayamang tradisyong Parol Stroll o Parada ng Parol sa taunang Parol Festival sa SoMa Pilipinas sa San Francisco.

Nitong taon, ipagdiriwang ang ika-20 anibersaryo ng taunang Parol Festival. At ang tema ay “Illuminating Legacy to Light our Path.” Sisilayan ang mga pamana para mailawan ang ating landas na daraanan.

Hindi lamang binabalik ang Parol Festival, pinalaki pa ang matatamong gantimpala ng mga lalahok sa tatanghaling TALA AWARDS; $1,000 sa unang premyo, $500 sa pangalawang premyo at $300 sa pangatlong premyo.


Kung maaalala natin simula nuong 2003 nagdaraos na ng taunang Parol Lantern Festival sa San Francisco sa inisyatiba ng Filipino American Development Foundation (FADF).

Inilunsad ng FADF ng Parol Festival kaugnay sa pagbubukas ng kanilang bagong tayong Bayanihan Community Center na matatagpuan sa 1010 Mission Street. Ninanais ng FADF na maipakilala sa San Francisco ang kahulugan ng Bayanihan o diwang pagbabayanihan sa komunidad.


Alam natin na iba ang imahen o paglalarawan ng pagbabayanihan ng mga tao sa Pilipinas; Ang pagpapasan o pagbubuhat ng bahay inililipat ng mga tao. Hindi ito magagawa ng isa o iilan lamang. Kailangan ang sama-samang paglahok at pagkilos.


Sa pamamagitan ng pagdadaraos ng parol making workshop o paggawa at paglikha ng parol mahusay na nababahagi sa mga kalahok ang diwa ng bayanihan.


Nuong una, ang kawayang ginamit sa paggawa ng tradisyonal na parol ay mula sa stick na ginagamit sa pagtutuhog ng barbecue, at nangalap ng mga anumang magagamit sa paggawa ng parol na mabibili sa mga dollar stores.


Naiparating ang diwang pagbabayanihan sa mga kalahok sa pamagitang ng pagtangkilik at pagtataguyod sa matayog na layunin nito: maging visible o lubusang makilala ang kultura at komunidad ng mga Pilipino sa tinatawag na multi-cultural fabrics ng San Francisco. Kaya’t sa halip na gumawa lamang ng isa at maiuwi sa kanilang tinitirahan ang gawang parol, inipon ito at binibilang hanggang maabot nito ang target na isang libong parol.

Ang parol ay simbolo ng liwanag sa kadiliman. Ito ang giya o talang patnubay ng tatlong mago sa paglalakbay nila tungo sa belen.


Nabigyan ng funding ang FADF nuong 2004 sa programang pagpapalaganap ng “community arts” mula sa San Francisco Arts Commission. Nagresulta ito ng pag-import ng kayas na kawayan, papel de jahon at cellophane mula sa Pilipinas. Lampas sa tatlong libong parol ang nagagawa sa parol making workshop season.


Naging malaganap ang paggawa ng parol at sumunod na stage ay pagandahan at pagaling ng gawang parol.


Dito inilusansad ang Tala Awards sa suhesyon ng Kularts, ang co-presenter ng FADF sa taunang Parol Festival simula nuong 2006.


Ang unang nagtamo ng Grand Prize ($500) nuong 2006 ay ang Contingent ng Filipino Community Center ng Excelsior. Ang kanilang parol ay may desenyong dyini.


Naging pinakatampok sa Parol Festival ang Tala Awards. Pinakahihintay ng mga kalahok at dumadalo sa Festival kung sinong tatanghaling Parol ng taon.


Ang Parol Festival ay isang taunang pagbubuklod at pagsasama-sama ng ibat-ibang Samahan, komunidad at programa sa SoMa Pilipinas.


Nagtaas ng kalidad at ningning ang mga parol kalahok sa Tala Awards. Ang samahang parating nananalo ay ang Galing Bata, Canon Kip Senior Center, Veteran/Bayanihan Equity Center, Samahan ng USF, at West Bay Center.


Sino kaya ang magtatamo ng Grand Prize sa Tala Awards sa 20anibersaryo ng parol Festival?


Tandaan: Sa Sabado, Disyembre 10, 2022 sa Yerba Buena Center for the Arts, Yerba Buena Gardens, and YBCA Forum sa SoMa Pilipinas, San Francisco.


Pakirating sa mga kaibigan at kamag-anak. Halina at dumalo sa 2022 Parol Festival sa SoMa Pilipinas.

Comments


© MC Canlas 2022 Site By Sophia C.
Powered By Wix

bottom of page