MAY HIKA ANG ATING WIKA?
- Aug 17, 2025
- 3 min read
BAKIT NGA BA... |
ni MC CANLAS |
Nailathala sa Manila Mail nuong 9/18/1996 at nakasama sa mga sanaysay sa librong SoMa Pilipinas Studies 2000 in Two Languages (Arkipelago Book, 2000) pahina 117. |
MAY HIKA ANG ATING WIKA?
“Sulat ka naman” ang paanyaya sa akin ni Jo, editor ng Manila Mail at dating kamag-aral sa UP sa Pilipinas. Nabigla siya nang banggitin ko na sa wikang ginagamit ng mga Pinoy ako magsusulat. Tagalog, Pilipino, Filipino, o Taglish man ito kung tawagin, ang mahalaga para sa akin, mayroon tayong nababasa sa wikang sinasalita natin sa araw-araw.
Sa ganang akin, ang ating mga sariling wika at ang pambansang wika ng mga Pilipino, kahit nasa Amerika ay buhay, laganap at malayang huminga. Gayun pa man, nahihirapan ito sa kanyang paghinga. Para bagang hinihika; may bumabara at hindi lubusan ang paghinga.
Ang pagsulong ng anumang wika ay nasa paggamit nito; sa pagsasalita, pagsulat at pagbasa. Anumang bagay kapag hindi ginagamit at sinasanay ito ay nakakalimutan at nawawala nang tuluyan.
Sa isang pagsasaliksik lumabas noong 1993 hinggil sa mga wika (foreign languages) na laganap ang gamit dito sa Amerika, ang Tagalog ay nasa Top Ten at ang Ilokano naman ay kasama sa Top 50. Ang Tagalog ay laganap dahil na rin sa pagdami ng bilang ng mga imigranteng Pilipino magmula noong 1965.
Ang lingua franca sa Pilipinas ay nakabatay sa Tagalog Maynila. Ito ay ginagamit at napapalaganap sa mga radyo, sine, video, komiks, magasin, sa palengke, Original Pilipino Music (OPM), at laluna sa mga conversation, pagdiriwang at salu-salo ng mga Pilipino. Magkakaiba man ang lugal na pinanggalingan at wikang nakasanayan; ang pag-uusap, pakikitungo at pakikipagpalagayang-loob ng mga Pilipino ay sa wikang Pilipino ito dinadaan.
Gayun pa man, ang wikang pambansa ng mga Pilipino ay hindi pa lubusang umuusad at nakakahinga laluna dito sa Amerika. Mayroon sa ating mga kababayan ang nagtatatwa o nagtatago na sila ay marunong mag-Pilipino. Hindi ko mawari kung kinahihiya nila ang kanilang sariling wika at pagka-Pilipino o baluktot na talaga ang kanilang dila at ganap na Ingles-puti na nga sila.
Marami sa mga Pilipinong pinanganak at laki dito ang hindi man nakakaintindi at nakakapagsalita ng wikang Pilipino. Ayon sa kanila, nangangamba ang kanilang mga magulang na baka daw ma‘dis-advantaged’ sa eskwela at sa kanilang career opportunities kung “kapos” sila sa Ingles. Bagamat mismo ang school district ang nagtataguyod sa prinsipyong bilingual education: kung magaling ang fluency at literacy ng bata sa sarili niyang wika, madali ang fluency at literacy niya sa Ingles.
Malaking paghihinayang ito sa mga Fil-ams, mga US-born Filipinos, at mga Pinoy na laking Amerika, sa naging siste ng kanilang magulang. Susi sa kanilang paghahanap ng kanilang identity ang lenguahe. Sayang, sabi nila, “our parents were not determined enough to encourage us to speak and understand their language. How can we best understand our roots and culture if we are handicapped with our own tongue?”
Iba-iba ang antas ng mga Pilipino sa kakayahan at hilig sa ating wika: May nakakaintindi ng Pilipino, pero hindi nakakasalita; May nakakapagsalita kahit karampot tulad ng “Salamat po” at “Kumusta ka”; May nakakapagsalita pero hindi nakakakaintindi sa binabasa at hindi nakakapagsulat; May nakakapagsalita, nakakapagsulat at nakakabasa ng lubusan.
Marami ring nagsisikap at naghahangad maging bihasa sa ating wika. Lamang, limitado ang paggamit nila dahil iilan lamang ang mga babasahing nakasulat sa Pilipino. Mismong mga newspaper at magasin para sa mga Pilipino ay nasa Ingles!
Mayroong ilan sa ating Pinoy ang nagsasabi; yayamang sanay na “raw” tayong magsalita, magbasa, at magsulat sa Ingles, hindi na “raw” kailangang pag-ukulan pa ng pera, pawis at panahon ang pagpapaunlad ng wikang Pilipino sa Amerika. Ang astang ito ay di malayo sa mga nag-a-advocate ng “English Only”; nasa Amerika na kayo, dapat Ingles lamang ang salita. Katunayan, ang mga “English Only Advocates” ay pawang mga puting-Amerikano na kumokontra sa “affirmative action” at naninisi sa mga imigrante.
Totoo ang ating wika ay may hika. Huwag naman sana tayong mga Pilipino mismo ang maglilibing at kikitil sa kanyang paghinga. Ang ating wika ang mahalagang tanda ng ating lahing kayumanggi. Susi ito sa makabuluhang pakikipamuhay sa ‘multi-ethnic, multi-cultural’ na lipunan sa Amerika. Hindi tayo magmumukhang-saling pusa lamang kung naibabandila natin ating diwa, kultura at gawa, di ba?
Comments