top of page

ML@40 at ML@50, isang pananaw sa pagtanaw

  • Sep 27, 2022
  • 3 min read

Updated: Sep 27, 2022

Ngayon taon ating ginugunita ang ika-50 anibersaryo ng pagpataw ng Martial Law o Batas Militar sa Pilipinas. Nitong taon rin nahalal sa pagka-presidente ang bunsong anak ni Ferdinand Marcos at Imelda. Sa madaling salita, ang "Kahariang Malacanang" ay nasa pamilyang Marcos na naman. Naibalik sila sa poder sa pamagitan ng eleksyon; ika nga, masasabing sa pagtangkilik ng mga Pilipino sa pamagitan ng boto sa isang pambansang halalan. Bakit nagkagayon? Hindi ba nuong 1986 napatalsik ang mga Marcos at rehimeng batas militar at diktadura sa pamagitan ng lakas-sambayanan o people power?


Sa darating na mga taon, siguro ako, magiging matindi ang usap-usapan at diskurso sa kasaysayan ng Pilipinas nitong nakaraang anim na dekada, at maaari ring sasagad ang diskurso sa mga naganap at pangyayari nuong panganganak ng bansang Pilipinas, ang Himagsikan 1896, tungo sa pagsamsam ng liderato Katipunan ni Emilio Aguinaldo at pagpaslang kay Andres Bonifacio. Ang sumunod na kabanata, ang paglawak ng papel ng mga elit (clan) sa rebolusyon at republika, at ang papel ng bansang Amerika sa kanilang pananakop sa bansa. Ang sabwatang ito (elit at mananakop) isang bagay na sa aking palagay ang tunguhin ng panawagang "Never Again, Never Forget."


Yayamang ang tuon natin sa kasalukuyan ang Martial Law @ 50, nais kong i-share ang aking sinulat nuong 2012 sa paggunita mg Martial Law @ 40. Ito ang aking pananaw sa ating pagtanaw at paggunita ng mahalagang dahon sa ating kasaysayan.


9/24/2012

Bakit nga ba…‘Never Again’ ang panawagan sa Martial Law?

Sayang wala ako sa Pilipinas sa paggunita ng ika-40 taong pagpataw ng Martial Law sa Pilipinas. Marami sana akong maririnig, makikita, at mararamdamang salaysay, pagmuni-muni at kuru-kuro sa ngalan ng pagbabalik-tanaw sa isang matinding kabanata ng kasaysayan ng Inang-Bayan.


Mabuti na lamang mayroon ng Facebook at kahit papaano nababalitaan at nababasa ko ang mga nagaganap na paggunita.


“Martial Law @40 NEVER AGAIN!” ang isa sa ilang nakita kong banner sa may U.P. at posting sa FB. Maaaring nasusundan ko ang ibig ipakahulugan ng salitang “NEVER AGAIN” tulad ng “Huwag pabayaang maulit ang rehimeng batas militar,” o maaari ring “Huwag pabayaang makabalik sa poder ang mga Marcos o tulad ni Marcos.” Maraming pupwedeng ikawing sa “Never Again.”


Nagtataka lamang ako kung bakit sa wikang Ingles ang piniling islogan. Dahil ba ang Martial Law ay sa Ingles din. Mas malakas ba ang dating kung Ingles ang islogan?


Naalala ko nuong bago pa mag-Martial Law ang matingkad at malaganap na panawagan “Digmaang-Bayan Ang Sagot sa Martial Law.” At napausong chanting o sagutang-pagsigaw sa mga rali at demonstrasyon nuon ay “Ano’ng Sagot sa Martial Law!” … “Digmaaan…Digmaan…Digmaang-Bayan.”


At nuong ng kalagitnaan ng 1977 sa OP-OD (Operation Pinta at Operation Dikit) ng mga aktibista, naglabasan ang mga mapupulang islogan sa pader tulad ng “Dismantle Martial Law” at “Lansagin ang Martial Law.”


Pero nuong 1977, na-inspire ang ilang aktibista, laluna yun mga nasa propaganda yunit, na gamitin ang marketing scheme ng mga ads agency tulad sa paggamit ng Campus Crusade for Christ na “Target 80.” Matingkad na nakapaskel lamang ang mga ito sa maraming pader, mga billboards sa kanto, eskwela, palengke at sa maraming sulok. Walang ibang sinasaad kundi “Target 80.” Pinupukaw ang curiosity ng nakabasa o nakuha ang atensiyon at magtatanong ng “Ano iyon?”


Gayun din ang madalas na patalastas o komersiyal na nagsasabi lang “I need one third of your life.” Paulit-ulit lamang ang itong maririnig sa radio at tv, mababasa sa dyaryo, at makikita sa mga pader, at wala ng ibang sinasabi o pinahayag. Mga ilan buwan din ito ginawa, nagpupukaw ng curiosity.


Ang nilikha ng mga OD-OP ay tatlong letrang B M I. Nagkalap sa mga pader sa Metromanila ang BMI ng ilang buwan, pagkatapos naglabasan ang “Batas Militar Ibagsak!”


Marahil ang “Martial Law @ 40 Never Again!” ay sadyang inilapat sa mga aktibistang kumilos nuong pagpataw na Martial Law. Sa pagbabalik-tanaw at sa pagsasalaysay ng mapapait na karanasan at sa malulupit na kalagayan, sa paggunita sa mga buhay na inialay ng mga kasama at sa mga biktima ng karahasan, at sa pagyurak ng karapatang pantao at karapatang-sibil, ang pagtatapos ay hindi na pababayaan maulit pang muli o bumalik uli ang sinapit kaya’t “Never Again.”


Hindi ko lamang alam kung papaano ang dating o pagtanggap ng kabataan sa kasalukuyan, maging ang henerasyon na hindi nakaranas mamuhay sa ilalim ng Martial Law? Nauunawan kaya ang ibig iparating ng Never Again sa Martial Law?


Ang layunin ba ng “Never Again” ay paghahanda ng sarili at ng bayan na labanan ang pagpataw muli ng Martial Law? Isang komitment, ika nga.

Comments


© MC Canlas 2022 Site By Sophia C.
Powered By Wix

bottom of page